Nakita ko ang karatulang ito sa paglalakad-lakad ko kanina sa campus ng University of the Philippines Diliman. Hindi ako magaling magsulat, sabi ko sa sarili ko, pero susubukin ko para lang masagot ang nakapaskil na karatulang ito.
Less government. Katungkulan ng isang gobyerno ang paglingkuran ang kanyang mamamayan. Tayo ang nagbabayad ng mga buwis na nagpapatakbo ng gobyerno (na kalimitan ay ibinubulsa ng mga taong nasa gobyerno rin). Para ano pa at iniluklok ang mga opisyal sa gobyerno kung ang tangi lamang naman pala nilang gagawin ay magiging piping mga saksi sa pangaraw-araw na pag-ikot ng ating mga buhay?
Kung walang gobyernong magbibigay ng mga serbisyong panlipunan para sa kapakanan ng mamamayan, sino ang gagawa nito? Mahuhulog sa pampribadong sektor ang pagbibigay ng mga serbisyong panlipunan. Ibig sabihin, negosyante. Kung negosyante ang magpapatakbo ng mga serbisyong panlipunan, tatanawin pa ba nila itong serbisyo? Tingin ko, hindi, magiging negosyo na ito. At dahil negosyo, mas malaking kita, mas kanais-nais para sa negosyante. Bakit naman sila magbibigay ng libreng edukasyon sa mamamayan kung pwede naman itong pabayaran ng mahal? Bakit nga ba naman sila tatanggap ng mga pasyente sa pampublikong ospital na walang bayad? Liliit din ang kita nila kung tataasan nila ang sahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno.
Samakatuwid, hindi sagot na gustuhin nating walang pakialam ang gobyerno sa kanyang mga mamamayan. Mahigpit na tungkulin nito na siguruhin ang kapakanan ng–at pagsilbihan ang–mamamayan.
More freedom. Kasiguruhan ba na kung wala nang pakialam ang gobyerno sa atin ay mayroon na tayong kalayaan? Sa konteksto ng “freedom” na binanggit, malaya tayong gawin ang ating gusto sa ilalim ng isang neoliberal, free market economy. Lahat pampribado ang pagmamay-ari. Yung mga magulang ng napakaraming kabataang mahihirap ay gustong bigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak pero paano nila ito gagawin kung kakarampot na barya lamang ang kanilang kinukuyom sa mga palad nila. Malaya ba sila?
Maraming kabataan na gustong makapagtapos pero ultimo pambili ng lapis at papel ay wala kaya napipilitan na lamang silang magtrabaho—malaya ba sila? Tingin kaya natin kung magtataasan ang matrikula sa mga pampublikong paaralan (na nangyayari na at tiyak na mangyayari pa dahil sa deregulasyon ng edukasyon) may makakapag-aral pa ba?
There’s more to politics than being left. Lagi’t lagi kong naaalala na ang islogan ng “Left” na sinasabi sa karatula ay Serve the People o Paglingkuran ang Sambayan. Ano pa nga ba ang mas hihigit pa sa paglilingkod at pagaalay ng buhay kung kinakailangan para sa sambayan? Ang paglingkuran ang sarili? Ang paglingkuran ang iilan? Ang paglingkuran ang dayuhan?Ang magpakayaman kahit maraming matatapakan? Hindi ko naman sinasabing may monopolyo ang Left sa usaping paglilingkod sa sambayanan, pero kung susundan natin yung lohika (o kawalan nito) nung karatula, aba, pupunta tayo sa—-
Join the right side. Pagtatapos ng karatula, join the right side. Ano nga ba yung right side? Kung nasa Left ang islogan na Paglingkuran ang Sambayanan, samakatuwid kabaligtaran nito ay Paglingkuran ang Sarili. Socialism versus capitalism. Dictatorship of the working people vs. Dictatorship of the few.
Ito, ito ang inihahapag sa atin ng karatulang ito. Wag na tayong makialam sa nangyayari sa ating lipunan. Pakialaman na lang natin yung sarili natin, at yung pagsasarili natin. Bahala na ang lipunan kung magulo, marumi, walang kapayapaan, walang katarungan. Bahala na ang iba kung wala silang karapatan, basta ikaw meron. Pagsasarili, at pagiging makasarili.
Kung ganito rin naman pala ang mangyayari, sasama ka pa ba sa Right?